Sugal

Ipinamigay mo ako sa buong mundo.

Samantalang, ikaw ay lumilikha

Ng sarili mong araw at gabi.

Kung saan maaring ikaw ay di kaylangan maging isang ama, o asawa, o kapatid, o kaibigan

Kundi ang lahat ng gusto mong maging:

Historyador, mang-aawit sa koro,

Manlalakbay, tagapagsagot ng palaisipan sa mga dyaryo.

Nalulong ka sa kalungkutan

sa mga nabigong pangarap.

Nagpakalango sa usok

Ng mga panandaliang ligaya,

Sana sa amin ka na lang tumaya, Ama.

Ipinamigay mo ako sa buong mundo.

Nakikipaglaro sa mga batang ipamigay din

ng mga kani-kanilang nanay at tatay.

Kaylangang manalo sa larong ito,

sa buhay na ito, na di mo naipanalo.

Kahit pa gusto kong lumipad

at mabaliw sa aking mga pangarap,

Kahit pa gusto kong magmahal

at ang lahat ay kalimutan.

Ngunit

Kaylangan kong maging ikaw.

Salarin

Biktima ako ng pabago-bago mong damdamin.

Kung di mo ako kikilalanin,

Huwag mo akong nakawan ng tingin.

Huwag ka nang sumulyap.

Dahil kung ganyan lang, walang magaganap.

Ipinagpapalit mo ako sa kaba.

Ipinagpapalit mo ako sa alinlangan.

Ipinagpapalit mo ako sa takot.

Ipinagpapalit mo ako sa hiya.

Padadaplisan mo ako ng pag-asang

Maaaring may patunguhan

Itong paghahabulan ng ating mga bakasakali.
Samantalang ako’y nakagapos

Sa pag-asang matatapos

Ang lahat ng ito sa pagbihag.
Bihagin mo ako,

Bantayan sa lahat ng oras.

Ayaw kong tumakas,

Kasama’ng pusong muling maghihingalo.

Rio Alma

Rio Alma. Siya ang naiisip ko kapag naririnig ko ang salitang makata, tula, sukat at tugma, LIRA. National Artist. Workshop. Naaalala ko noong fellow ako nagpagupit ako ng buhok dahil sa sobrang lungkot ko noong nakatay ang ‘tula’ ko noong unang beses kaming nag-malayang taludturan. Ngayon, pinagtatawanan ko na lang din yung gawa kong yun. Ang dami kong natutuhan sa kanya, sa LIRA. Di lamang ang mga konsepto at teknik sa pagtula, kundi paggalang at pagmamahal sa sariling kakayahan at sining. Dapat bukas sa kritisismo ng iba. Hindi dapat manipis ang balat.
Kaya heto sumusubok pa rin. Paunti-unti. 

  

Kandi 

ni Giancarlo Abrahan

Narito ang isa sa mga pinakapaborito kong tula:

Nabalitaan kong kasama kang namatay sa sunog.

At kagabi’y magdamag kong ginunita kung paanong

Dati’y pinasasayaw mo ang alab ng kandila

Sa iyong kandila ring daliri minsang naglaro tayo

Sa inyong bahay nang mawalan ng koryente.

Lagi’y gustong apulahin ng puso ko

Ang ating mahinhing kapusukan.

Tandang-tanda kong nagsunog tayo ng buhok,

Na ayaw na ayaw ipagupit ng ating mga ina.

Madalas naglalaro rin tayo sa hardin.

Ngunit nangangati tayo sa mga bulaklak

Na isinasabit sa ating buhok.

Pinili nating magsiga ng ng mga patay na dahon

At langgam, o baguhin ang anyo ng mga plastik.

Isang hapon, nagkatuwaan nating maglutu-lutuan.

Binuhusan mo ng alkohol ang kaldero:

sumiklab ang dambuhalang apoy

at nangingitim ang kisame hanggang ngayon

sa kusinang minana ko kay nanay.

Mula noo’y pinagbawalan ni nanay

Ang pakikipagkaibigan sa iyo.

Tila nalalapnos ako sa pagpipigil tuwing nakikita ka.

Sapagkat di na tayo maaring mag-usap.

Inggit na inggit ako nang makita kong

Ang palda mo’y sunug-sunog ang laylayan

Tulad noong sa pinagningas nating

Damit ng ating mga manika.

Naakit akong silaban ang mga mahahabang

Manggas ng blusa ko’t mga sayang lampas-tuhod.

Ay! Di raw nananahimik ang tulad mo.

O, ikaw na tumupok na ng maraming tahanan

Upang maitayo yaong tirahan mong nasunog din.

Bago matulog, nabanli ako sa gatas na iniinom.

Muli kang naalala’t ipinagdasal ko ang iyong paghimbing.

Ngunit di ko masambit-sambit na

Sumalingit ka nawa. Tila may nag-uudyok

Sa akin na maglandi muli sa apoy:

Na sana’y malayo sa kusina kung saan mahapding

Matalsikan ng kumukulong mantika,

O mahigop ang umuusok na sabaw.

Ang panalangin ko’y sa iba pang buhay,

O marahil sa kabila’y makalaro muli

Kitang minsan lamang napaso.

Naibahagi ko itong tula dahil isa ito sa perpektong halimbawa ng tulang gusto kong tularan. Madalas nasasabihang masyadong madrama o korni ang mga tula ko.

Sa tulang ito, tama lamang ang paghahalo ng emosyon at teknik ng makata. Makikita mo ang metapora sa buong tula, ang elemento ng tuloy. Mas napaigting din nito ang damdamin ng makata at nagkaroon ng  iba’t ibang antas ng pakahulugan sa tula.

Kontak ko sa Facebook si Gian, gawa ng naging fellow ako ng LIRA (Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo) noong 2012-2013.

Bihira siyang tumula sa Facebook. Matulain ang mga pelikulang isinulat at idinerehe ni Gian. Panuorin ninyo ang Dagitab! Grabe, grabe, grabe.
Sa ngayon inaabangan kong maglathala siya ng sarili niyang aklat at gumawa ng marami pang pelikula.