Rio Alma

Rio Alma. Siya ang naiisip ko kapag naririnig ko ang salitang makata, tula, sukat at tugma, LIRA. National Artist. Workshop. Naaalala ko noong fellow ako nagpagupit ako ng buhok dahil sa sobrang lungkot ko noong nakatay ang ‘tula’ ko noong unang beses kaming nag-malayang taludturan. Ngayon, pinagtatawanan ko na lang din yung gawa kong yun. Ang dami kong natutuhan sa kanya, sa LIRA. Di lamang ang mga konsepto at teknik sa pagtula, kundi paggalang at pagmamahal sa sariling kakayahan at sining. Dapat bukas sa kritisismo ng iba. Hindi dapat manipis ang balat.
Kaya heto sumusubok pa rin. Paunti-unti. 

  

Mythology Class

Ipagpapatuloy na muli ang pagbabasa. Ito lamang ang binili kong libro noong Free Comic Day sa Fully Booked. Ang tagal ko nang naghanap ng kopya. Mahilig ako magbasa ng komiks lalo na yung gawang Pinoy. Una, mas madaling intindihin, at ikalawa, mas sinasalamin ng mga ito ang kultura na aking kinalakhan. 

Di lang sa Comics Section ng broadsheets at tabloids nabubuhay ang mga Pinoy komikeros! Sana tangkilikin natin sila para mas marami pang librong tulad nito.
May ilang taon na rin ng huli akong nakapunta ng Komikon. Sana sa darating na Nobyembre ay makadaang muli! Kita kits!
  

Gold

How could have someone feel so much and lose it like it didn’t existed at all?

Like it could be replaced?

How could have someone hold your hand like it is the most precious he ever held?

Like it was gold that makes him shine?

Like it was treasure,

Like he never wanted to lose it,

Like his life is its cost.

But then the gold tarnishes over time,

and he finds out 

it was not pure, not rare,

Not special. 

What a shame. What waste.

How good is gold if it does not shine?

What good would it be if it does not make you feel good?

Gold is supposed to be good.

And how hard was it to replace an accessory?

Kandi 

ni Giancarlo Abrahan

Narito ang isa sa mga pinakapaborito kong tula:

Nabalitaan kong kasama kang namatay sa sunog.

At kagabi’y magdamag kong ginunita kung paanong

Dati’y pinasasayaw mo ang alab ng kandila

Sa iyong kandila ring daliri minsang naglaro tayo

Sa inyong bahay nang mawalan ng koryente.

Lagi’y gustong apulahin ng puso ko

Ang ating mahinhing kapusukan.

Tandang-tanda kong nagsunog tayo ng buhok,

Na ayaw na ayaw ipagupit ng ating mga ina.

Madalas naglalaro rin tayo sa hardin.

Ngunit nangangati tayo sa mga bulaklak

Na isinasabit sa ating buhok.

Pinili nating magsiga ng ng mga patay na dahon

At langgam, o baguhin ang anyo ng mga plastik.

Isang hapon, nagkatuwaan nating maglutu-lutuan.

Binuhusan mo ng alkohol ang kaldero:

sumiklab ang dambuhalang apoy

at nangingitim ang kisame hanggang ngayon

sa kusinang minana ko kay nanay.

Mula noo’y pinagbawalan ni nanay

Ang pakikipagkaibigan sa iyo.

Tila nalalapnos ako sa pagpipigil tuwing nakikita ka.

Sapagkat di na tayo maaring mag-usap.

Inggit na inggit ako nang makita kong

Ang palda mo’y sunug-sunog ang laylayan

Tulad noong sa pinagningas nating

Damit ng ating mga manika.

Naakit akong silaban ang mga mahahabang

Manggas ng blusa ko’t mga sayang lampas-tuhod.

Ay! Di raw nananahimik ang tulad mo.

O, ikaw na tumupok na ng maraming tahanan

Upang maitayo yaong tirahan mong nasunog din.

Bago matulog, nabanli ako sa gatas na iniinom.

Muli kang naalala’t ipinagdasal ko ang iyong paghimbing.

Ngunit di ko masambit-sambit na

Sumalingit ka nawa. Tila may nag-uudyok

Sa akin na maglandi muli sa apoy:

Na sana’y malayo sa kusina kung saan mahapding

Matalsikan ng kumukulong mantika,

O mahigop ang umuusok na sabaw.

Ang panalangin ko’y sa iba pang buhay,

O marahil sa kabila’y makalaro muli

Kitang minsan lamang napaso.

Naibahagi ko itong tula dahil isa ito sa perpektong halimbawa ng tulang gusto kong tularan. Madalas nasasabihang masyadong madrama o korni ang mga tula ko.

Sa tulang ito, tama lamang ang paghahalo ng emosyon at teknik ng makata. Makikita mo ang metapora sa buong tula, ang elemento ng tuloy. Mas napaigting din nito ang damdamin ng makata at nagkaroon ng  iba’t ibang antas ng pakahulugan sa tula.

Kontak ko sa Facebook si Gian, gawa ng naging fellow ako ng LIRA (Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo) noong 2012-2013.

Bihira siyang tumula sa Facebook. Matulain ang mga pelikulang isinulat at idinerehe ni Gian. Panuorin ninyo ang Dagitab! Grabe, grabe, grabe.
Sa ngayon inaabangan kong maglathala siya ng sarili niyang aklat at gumawa ng marami pang pelikula. 
 

#Goals

Mga dahilan kung bakit hindi muna bibili ng mga bagong libro. Tama lamang sigurong ubusin ko muna ang mahigit 50 librong binili noong nakaraang taon. Sisimulan ko na talaga ‘to. Kaylangan makapangalahati bago matapos ang taon. (Pero naisip ko Manila Int’l Book Fair na ulit sa isang buwan. Oh well.) 
  

#BuwanNgMgaAkdangPinoy Blg. 1

  Dream Noises A Generation Writes Edited By Miriam Grace A. Go Anvil Isa sa mga unang librong natawag akong akin. Natagpuan ko ito sa NBS, naka-sale. Buti na lang dahil nasa hayskul o kolehiyo pa yata ako noon. Kahit ang tig-i-isang daang pisong libro, di ko mabili.  Isang antolohiya ng maiikling kwento ng iba’t ibang manunulat. Iba’t ibang tinig, iba’t ibang istilo. Namangha at humanga ako sa kanila. Naisip ko baka kaya ko rin sumulat ng kuwento.  Di malilimutan ang Eldrin’s House na nagtulak sa akin na hanapin pa ang ibang likha ni Jimmy Alcantara. Binabalikan ko ang mga akda kapag nawawala ang gana sa pagkatha.  Nangangarap ng makasulat din ng sariling antolohiya.

May damdamin, may sinasabi, may silbi.